Sa panahon ngayon na dumadanas ang buong mundo ng kahirapan bukod pa sa pandemyang lalong nagpalubog ng ating kabuhayan, hindi pa rin matatawaran ang sipag at tyaga ng ilan nating kababayan para lamang matagumpayan ang araw-araw na hamon ng buhay.

Nakakabilib pa rin na isipin ang ilan sa atin ay lumalaban para sa kanilang mga pangarap, kaya naman hindi rin maiiwasan na purihin at hangaan ang mga taong tulad nila. Isa na dito ang dalagang si Anne Relente na masasabi mong sertipikadong negosyanteng raketera noon ngunit ngayon ay nakapagtapos ng kanyang pag-aaral.

Siya ay nakapagtapos sa kursong Bachelor of Science in Electronics and Communication Engineering at dating iskolar ng bayan sa Cabuyao Laguna. Sa paaralang kanyang pinasukan ay naging student assistant din siya bukod dito ay rumaratek din siya bilang seller sa Lazada para lamang may ipangbili siya ng bagong Scientific Calculator.

Hindi na rin humihingi si Anne ng pera sa kanyang mga magulang dahil sa may negosyo na itong tie dye shirts na kilala sa pangalang Dapit-Hapon. Bukod sa mga trabaho at raket na kanyang naranasan, naging labandera din ang dalaga. Tunay nga na walang imposible basta may pangarap ka sa buhay.

Marami ang na-inspire sa kwento ng kanyang buhay lalo na sa mga napagdaanan nito para lamang makamit ang kanyang pangarap, pinatunayan din niya na hindi hadlang ang hirap na nararanasan upang hindi mo makamit ang bagay na ninanais mo sa buhay. Tiyak na malayo ang mararating ng tulad niya at sana maging inspirasyon ito sa mga kabataan at mga taong may pangarap sa buhay.

Kung isa ka man ngayon sa dumadanas ng masalimuot na pangyayari sa buhay, hanapin mo pa rin ang kaunting pag-asa at pagiging positibo sa buhay tiyak sa tamang panahon makakamit mo din ang mga bagay na pinapangarap mo. Tulad ni Anne nag-umpisa ang lahat sa kanyang pangarap at sinamahan niya ito ng gawa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here