Mga guro ang nagsisilbing pangalawang magulang ng mga mag-aaral. Hindi biro ang kanilang mga sinasakripisyo upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga kabataan. Alam na alam ito ni Angel Locsin kung kaya’t hinandogan niya ng sorpresa ang isang guro sa programa niyang “Iba ‘Yan.”

Nakilala ang guro bilang si Teacher Roberto “Bob” Latag Mitra ng Don Arsenio Escudero Sr. Memorial School sa probinsya ng Laguna. Nakatayo ang paaralang ito malapit sa tambakan ng mga basura at kinakapos din sa malinis na tubig. Kahit na tatlong taon pa lamang sa naturang paaralan ay marami nang naitulong si Teacher Bob.  Kabilang dito ay ang pag-aksyon niya sa problema sa basura bago pa ito makadulot ng mas malubhang sakit sa komunidad. Kita sa kanya ang labis niyang pagmamahal sa trabaho, paaralan at sa mga mag-aaral.

Kaya naman, tuwang-tuwa si Teacher Bob nang bumisita at tumulong si Angel Locsin sa Brigade Eskwela ng paaralan. Higit niya pang ikinagalak nang pinagkalooban ni Angel ng scholarship ang dalawang estudynte nyng higit na nangangailangan sa buhay. Nabiyayaan ng apat na taong scholarship sa anumang kurso sina Ahriel Shean Leysa at Diana Aranzado, sa tulong ng aktress.

“Hindi ko ine-expect na mayroong scholarship para du’n sa mga bata. Kasi ako po ay isa ring scholar noong ako ay nag-aaral noong college na nagkaroon ng magandang kinabukasan nang dahil din sa tulong ng mga donor. Kaya ako po lubos din ang kagalakan ko bilang ikalawang magulang, ikalawang tatay ng mga bata,” pahayag ng guro.

Bukod pa rito, nakatanggap rin ng solar lamp si Teacher Bob. Ipinamahagi niya ito sa kanilang lugar na walang kuryente at gasera lamang ang ginagamit.

Hinangaan ni Angel ang dedikasyon ni Teacher Bob na nagiging ehemplo at inspirasyon ng mga estudyante upang makapagtapos ng pag-aaral.

“Thank you for inspiring us, Sir. Kaya po ganito ka-pursigido mag-aral ‘yung mga bata, dahil po ‘yan sa inyo — sa kagandahang loob niyo po. Maraming salamat po. Isa po kayong bayani,” pahayag ng artista.

Panoorin ang buong kwento dito:

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here